luksong baka

Noong tayo’y Mga Bata Pa

by: Anonymous
Naa-alala mo ba?  

Si Nanay ay nasa bahay pag-uwi namin galing sa paaralan;

Walang mga bakod at gate ang magkakapit-bahay, kung meron, gumamela lang;

10 sentimos o diyes lang ang baon: singko sa umaga, singko sa hapon;

Merong free ang mga patpat ng ice drop: buko man o munggo;

Pakikinig ng drama sa radio, tulad ng Simatar, Kapitan Radam, mga liham kay tiya Delly… at sa gabi naman ang Gabi ng Lagim;

Tinatakpan ang iyong tenga kapag naririnig mo ang alulong ng aso?;

 … Naa-alala mo pa ba?
 
Mataas ang paggalang sa mga guro at ang tawag sa kanila ay Maestro o Maestra;

Di binibili ang tubig, at pwedeng maki-inom sa di mo kakilala;

Malaking bagay na ang pumunta sa ilog para mag-picnic, o kaya sa   tumana
 
(photo: direkalecx01.blogspot.com)
Grabe na ang kaso pag napatawag ka sa principal’s office, o kaya
malaking kahihiyan kapag bagsak ka sa exams.

Simple lang ang pangarap:
ang makatapos ng pagaaral, makapag-asawa, mapagtapos ang mga anak…

Pwedeng iwan ang sasakyan at ibilin sa hindi mo kakilala; wala namang lock ang mga jeep na Willy’s noon.

Mayroon kaming mga laruan na gawa namin at hindi binili: trak-trakan

(photo by definitelyfilipino.com
(gawa sa rosebowl ang katawan at darigold na maliit ang mga gulong),
‘sketeng’ (scooter) na bearing na maingay ang mga gulong at de-sinkong pako para sa preno;  patining na pinitpit na tansan lang na may 2 butas sa gitna para suotan ng sinulid (pwede pang makipag-lagutan) ;

 
Sumpak, pilatok, boca-boca, borador, atbp.
(photo from blurosebluguy.wordpress.com)
Di nakikialam ang mga matanda sa mga laro ng mga bata: kasi laro nga   iyon.

Maraming usong laro at maraming kasali:
laste, gagamba, turumpo, tatsing ng lata, pera namin ay kaha ng Philip Morris, Malboro, Champion (kahon-kahon yon!);

May dagta ang dulo ng tinting na hawak mo para makahuli tutubi, nandadakma ka ng palakang tetot, pero ingat ka sa palakang saging dahil sa kulugo;

Butas na ang sakong ng Spartan mong tsinelas – suot mo pa rin;

Namumugalgal ang pundiya ng kansolsilyo mo kasi nakasalampak ka sa lupa.

Sa modernong buhay at sa lahat ng kasaganaan sa high technology.. di ba minsan nangarap ka na rin… mas masaya noong araw!
Sana pwedeng maibalik…

Takot tayo ngayon sa buhay kasi maraming napapatay, nakikidnap,
maraming addict at masasamang loob…

Noon takot lang tayo sa ating mga magulang at mga lolo at lola. Pero ngayon, alam na natin na mahal pala nila tayo kaya’t ayaw tayong
mapahamak o mapariwara.. Nauna silang nasasaktan pag pinapalo nila tayo…

Balik tayo sa nakaraan kahit saglit…
Bago magkaroon ng internet, computer, at cellphone. Noong wala pang mga drugs at malls.  Bago pa nauso ang counter strike
at mga Game Boy.

Tinutukoy ko ang harang taga o tumbang preso kapag maliwanag ang   buwan;

Ang pagtatakip mo ng mata pero nakasilip sa pagitan ng mga daliri pag nanonood ka ng nakakatakot sa ‘Mga Aninong Gumagalaw';

Unahan tayong sumagot sa Multiplication Table na kabisado natin, kasi  wala namang calculator;

Pag-akyat natin sa mga puno;
 
Pagkakabit ng kulambo, lundagan sa kama;

Pagtikwas o pagtitimba sa poso;
 
(photo by tinubos.blogspot.com)
Pingga ang pang-igib ng lalake at may
dikin naman ang ulo ng babae;

Inaasbaran ng mga suberbiyo;

Nginig na tayo pag lumabas na ang yantok-mindoro o buntot-page;

Nai-sako ka rin ba?

O kaya naglagay ka ba ng karton sa pwet para hindi masakit ang tsinelas o sinturon?

…Pamimili ng bato sa bigas;

Tinda-tindahan na puro dahon naman;

Bahay-bahayan na puro kahon;

Naglako ka ba ng ice-candy o pandesal noong araw?

Karera sa takbuhan hanggang maubos ang hininga;
(photo by eworx.blogspot.com)
Pagtawa hanggang sumakit ang tiyan;

Meron pa bang himbabao, kulitis at pongapong?
O kaya ang lukaok, susuwi at espada?
Susmaryosep ang nadidinig mo pag nagpapaligo ng bata…
Estigo santo kapag nagmamano.
Mapagod sa kakalaro, minsan mapalo;

Matakot sa ‘berdugo’ at sa ‘kapre';

Tuwang-tuwa kami pag tinalo ang tinale ni itay kasi may tinola!

Yung crush mo?

Pag recess: mamimili ka sa garapon ng tinapay-alembong, taeng-kabayo o biscocho?
Pwede ring ang sukli ay kending Vicks (meron pang libreng singsing) o kaya nougat o karamel;

Kung gusto mo naman – pakumbo o kaya kariba, mas masaya kung inuyat;

Puriko ang mantika, at mauling na ang mukha at ubos na ang hininga mo
sa ihip kasi mahirap magpa-rikit ng apoy.

Madami pa…
Masarap ang kamatis na piniga sa kamay at lumabas sa pagitan ng daliri para sa sawsawan;
 
Ang palutong pag isawsaw sa sukang may
siling labuyo;

 
Ang duhat kapag inalog sa asin; ang isa-sang isubo ang daliri kasi puno na ng kanin…

Halo-halo: yelo, asukal at gatas lang ang sahog;

Sakang ang lakad mo at nakasaya ka kasi bagong tuli ka;

O naghahanap ka ng chalk kasi tinagusan ang palda mo sa eskwelahan;

Lipstick mo ay papel de hapon;

Labaha ang gamit para sa white-side-wall na gupit;

Naglululon ka ng banig pagkagising;

Matigas na almirol ang mga punda at kumot;

Madumi ang manggas ng damit mo kasi doon ka pagpapahid ng sipon, diba? Pwede rin sa laylayan…

May mga program kapag Lunes sa paaralan;

May pakiling kang dala kung Biyernes kasi magi-isis ka ng desk.
 
Di ba masaya? Naalala mo pa ba?
Wala nang sasaya at gaganda pa sa panahon na yon… Masaya noon at
masaya pa rin tayo ngayon habang ina-alaala iyon…


Di ba noon… ang mga desisyon ay ginagawa sa awit na ‘sino ba sa
dalawang ito? Ito ba o ito?’ Pag ayaw ang resulta di ulitin: ‘sino ba sa
dalawang ito? Ito ba o ito?’…
Awit muna: ‘Penpen de Serapen, de kutsilyo, de almasen. How, how the
carabao batuten…’

Presidente ng klase ay ang pinakamagaling, hindi ang pinaka-mayaman;

Masaya na tayo basta sama-sama kahit hati-hati sa kokonti;

Nauubos ang oras natin sa pagku-kwentuhan, may oras tayo sa isat-isa;

Naaasar ka kapag marami kang sunog sa sungka, kapag buro ka sa
pitik-bulag o matagal ka ng taya sa holen;
(photo from ihaveyoursecret.tumblr.com)
Yung matatandang kapatid ang pinaka-ayaw natin pero sila ang
tinatawag natin pag napapa-trouble tayo;

Di natutulog si Inay, nagbabantay pag may trangkaso tayo;
 
Meron tayong skyflakes at Royal sa tabi at pahihigupin ng mainit na Royco.

Kung naaalaala mo ito…
nabuhay ka na sa KAPAYAPAAN!
Pustahan tayo nakangiti ka pa rin!
Kung naka-relate ka sa lahat ng nabanggit sa itaas, ibig sabihin lang niyan ay….
 …MATANDA ka na!

he he he…
pero kung hindi ka maka-relate, padala mo na lang sa akala mo ay
kapanahunan nya ito para maalala din niya at mangiti rin siya.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s